Minsan nabigyan ako ng isang laruan
Na siyang ikinatuwa ko naman
Ikinasaya, kaya napaglaruan
Hanggang sa ito'y napagsawahan.
Napagsawahan hanggang nakalimutan
Ni kung saan ko huling iniwan
Hindi ko na matandaan
Maaaring doon, maaaring diyan.
Hanggang isang araw aking nakita
Ang laruan ko, hawak ng isang bata.
Sigaw ko, "bata, bata, akin yan a!"
"Hindi ah! Akin 'to," sagot niya.
"Eh, sa'n mo ba yan nakuha?"
Tanong ko naman sa kan'ya.
"Dun o," sambit niya
Habang nakaturo sa basura.
Napatunayan kong yun nga ang laruan ko
Dahil ang basurang kanyang itinuro
Ay mga laman dati ng aking kwarto,
Mga pinaglumahan, pinagsawahan ko.
Samantala, biglang lumapit ang isa pang bata
At inagaw ang laruan ko mula sa isa pa.
Doon ako napaisip nang bigla
"Pinagaagawan nila yun e luma na?"
Kasabay nun ay bigla kong nadama,
Selos! Matinding selos sa kanila.
Sa isip ko, "akin yun ah!
Bakit ngayon nasakanila na?"
Habang sila'y nagaaway aking pinagmasdan
ang laruan kong kanilang pinagaagawan.
"Luma na nga pero akin pa rin 'yan!"
Paulit-ulit s'aking isipan.
Sa huli naisip ko na lang,
"Sino man maglaro s'aking laruan,
Kung saan-saan man ang kanyang mapuntahan,
Akin pa rin ang laruan na 'yan."